Glaiza De Castro, hindi makapaniwala na sini-ship pa rin sila ni Rhian Ramos

Glaiza De Castro, hindi makapaniwala na sini-ship pa rin sila ni Rhian Ramos

Published on Mar, 25 2025

Halos isang dekada na ang nakararaan nang ipinalabas ang 2015 drama romance series na The Rich Man's Daughter pero buhay na buhay pa rin ito sa puso ng fans nina Glaiza De Castro at Rhian Ramos na bumida sa nasabing soap opera.

Mapangahas ang tema ng The Rich Man's Daughter na isa sa mga unang GL (girls' love) series na nagawa sa kasaysayan ng Philippine TV.

Sa serye, gumanap si Rhian bilang Jade Tanchingco na mula sa isang mayaman at tradisyonal na Chinese-Filipino family. Papakasalan na sana niya ang kaniyang boyfriend, na isang Chinese din, hanggang sa nahulog ang kaniyang loob sa kapwa niya babae na si Althea, na ginampanan ni Glaiza.

Hanggang ngayon, may mga aktibong fan sina Glaiza at Rhian dahil sa kanilang lesbian-themed series. Binansagan pa ng fans ang kanilang tambalan na "RaStro", pinagsamang apelyido ng dalawang aktres.

Ayon sa guest appearance ni Glaiza sa Fast Talk With Boy Abunda, hindi pa rin siya makapaniwala na marami pa rin sa kanilang nagsi-ship ni Rhian.

Aniya, "Masasabi ko kung tatanungin ako kung sino ang pinaka-successful na naging ka-partner ko o naging ka-loveteam ko, siya talaga."

Kahit may kaniya-kaniya nang partner in real life sina Glaiza at Rhian, hindi pa rin daw nawawala ang kilig ng tao kapag nakikita silang magkasama.

Sabi pa ni Glaiza, "'Yung mga supporters namin, akala ko normally after ng isang series, kumbaga tapos na. Pero nag-asawa na ako, nagkaroon na siya ng ibang partner, nand'yan pa rin sila na parang 'di rin naman namin in-expect na magsu-support pa rin sila sa amin. Na-e-excite pa rin sila sa ginagawa namin, na-e-excite sila kapag nakita nilang magkasama kami."

Views: 53

Tags: Showbiz News